Inihayag ng namamahala sa paghahanda sa gaganaping inagurasyon ni President-elect Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. sa June 30, 2022, na magiging simple, taimtim at tradisyonal ito. 

Sa isang pahayag nitong Martes, sinabi ni Franz Imperial, isa sa mga namumuno sa komite na namamahala sa inagurasyon, na halos plantsado na ang lahat maliban sa ilang maliit na detalye na lang.

Gaganapin ang inagurasyon ni Marcos, bilang ika-17 pangulo ng bansa sa National Museum sa Manila.

“The program we have prepared is very solemn and simple. It would be very traditional dahil sabi nga ni BBM sa vlog niya, ‘hindi kami lilihis pa sa tradisyon,’” sabi ni Imperial said in a press release.

Ang tv host na si Toni Gonzaga ang aawit ng Pambansang Awit ng Pilipinas, habang ang inauguration song na "Pilipinas Kong Mahal," ay aawitin ni Cris Villonco at Young Voices of the Philippines Choir.

Gagawin ni Marcos ang panunumpa bilang pangulo ng bansa kay Supreme Court (SC) Chief Justice Alexander Gesmundo, ayon kay Imperial.

Ayon kay Atty. Brian Hosaka, tagapagsalita ng SC, tinanggap na ni Gesmundo ang naturang kahilingan.

Sa pulong balitaan naman ng subcommittee on security, traffic, and communications na ginawa sa Camp Crame, sinabi ni Interior Secretary Eduardo Año na posibleng tumagal ang inagurasyon ng hanggang dalawang oras.

“More or less siguro, baka two hours lang itong event na ‘to. At ito ay magsisimula around 10:50 in the morning and we expect na ang kanyang oath-taking exactly 12 noon. And then, after the speech ay tapos na ang ating event o ceremony,” anang kalihim.

Ayon kay Imperial, magkakaroon din ng 30-minute military-civil parade.

Sinabi ni Joint Task Force National Capital Region commander Brigadier General Marceliano Teofilo, na ang parada ay lalahukan ng nasa 2,213 security personnel mula sa Armed Forces of the Philippines, Philippine Coast Guard, at Philippine National Police (PNP).

Kasama rin ang ilang kadete mula sa Philippine Military Academy at Philippine National Police Academy, at regular and special troops.

Ipaparada rin ang ilang armored vehicles at artillery equipment, at magkakaroon ng flyby ng mga eroplano ng militar.

Sa bahagi ng sibilyan na kasama sa parada, sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority Chairperson Romando Artes, na magkakaroon ng mga kinatawan mula sa sektor ng medical frontliners, overseas Filipino workers, athletes, labor force, agriculture, transportation, metro aides, at iba pa.

Ayon kay NCRPO chief Police Major General Felipe Natividad, nasa 1,250 “VIPs and VVIPs” ang dadalo sa pagtitipon.

Mahigit 8,000 public safety at security forces ang ipakakalat para tiyakin ang kaayusan at kaligtasan sa inagurasyon. —FRJ, GMA News