Bukod sa nadurog ang puso, nawalan pa ng pera ang isang babae nang tangayan siya ng P7,000 ng dati niyang kasintahan na nakilala niya lang sa isang dating app.

Sa special report ni Corinne Catibayan sa Unang Balita nitong Martes, ibinahagi ni Jocky Febra na Marso nitong taon nang makilala niya ang kaniya na ngayong ex-boyfriend na si "Mel," hindi tunay na pangalan, sa Facebook Dating.

Hindi pa nakalilipas ang isang buwan, ipinakilala na ni Jocky si Mel sa kaniyang mga magulang.

"Sa months na magkasama kami, palaging sinasabi niya sa akin na gusto niya raw ma-meet 'yung parents ko. So umabot ako sa point na sabi ko, I trusted naman itong lalaking ito, binigay ko 'yung trust ko sa kaniya," sabi ni Jocky.

Hanggang sa buong puso na ibinigay ni Jocky ang kaniyang tiwala kay Mel, pero tila binalewala ito ng lalaki.

Nagsimulang mag-iba ang takbo ng kanilang relasyon nang walang tigil na humihingi si Mel ng pera sa kaniya.

Nag-umpisang humingi ang lalaki sa halagang P100 o P200, hanggang sa nagpapabili na ito ng mamahaling sapatos. Humingi rin si Mel ng pambili ng interiors ng gulong ng motorsiklo.

"Nag-trigger na po 'yun nu'ng nanghihingi na po siya ng paulit-ulit sa akin ng pera. Para pong everyday na siya nanghihingi sa akin ng pera. Para pong nagtataka po ako dahil siya po ay may trabaho naman," ani Jocky.

Halos P7,000 din ang nawala kay Jocky bago siya nagdesisyong ihinto na ang relasyon niya kay Mel.

Hindi na naghain ng reklamo si Jocky sa dati niyang nobyo, pero may aral siya na natutunan.

"Doon pa lang makikita mo pa lang na red flag na po talaga siya. Hindi love ang hanap sa iyo. Tiyakin natin na kilalanin lahat ng tao na nami-meet natin through online," sabi ni Jocky.

Hindi man nabiktima ng love scam, naloko naman sa negosyo si Romel Reyes.

Disyembre noong 2020 nang mangailangan si Rommel ng engineer sa pagpapatayo ng bahay ng kaniyang anak.

Naka-chat ni Romel ang engineer sa Facebook.

Nang pagkatiwalaan ito ni Romel, pinatira na niya ito sa kaniyang bahay sa Bulacan habang isinasagawa ang construction.

Bukod sa perang kaniyang ibinigay para sa pagpapatayo ng bahay, gumastos din si Romel para sa iba't ibang business proposal ng naturang engineer.

"Magaling po siyang magsalita eh. Na-convince niya ako na mag-invest. Kumbaga 'yung pananalita niya, 'yung tinatawag na matamis na dila," sabi ni Romel.

Nagsabi ang engineer kay Romel noong Marso 2021 na may lalakarin lang ito. Pero noon ding gabing iyon, hindi na ito bumalik sa bahay.

Ilang buwan china-chat at kinukulit ni Romel ang engineer para i-deliver ang materyales ng bahay at ang investment sa business.

"Sinasabi niya lang sa akin darating daw 'yung delivery ng pinto, ng bakal, ng semento, abangan ko. Wala pong dumarating. Tapos tinanong ko rin about sa business na ininvest ko na pera, kung ano na nangyari kasi one month na kako, nasaan 'yung interest? Pero wala pong dumating na pera. Mga almost one month na ulit, kinukulit ko na siya, sabi ko 'Nasaan ka na ba?' Tinatanong ko kung nasaan na siya, ano na ang nangyari? Hanggang sa binlock niya ako," ani Romel.

Umabot sa kalahating milyong piso ang natangay kay Romel, na perang kaniyang pinagtrabahuhan at nakalaan para sa kinabukasan ng pamilya.

Nagpagawa si Romel ng first demand letter pero hindi na ito natuloy dahil wala silang pambayad sa abogado.

Nagbabala ang National Bureau of Investigation (NBI) Cybercrime Division sa publiko na bantayan ang "red flag" ng panghihingi ng pera.

"Nagkakaroon muna sila ng tinatawag na profiling. So, tinitingnan nila 'yung mga social media posts nitong kanilang target. And then from there, doon magsisimula kung anong identity ang ia-assume nila," sabi ni Special Agent Criz Paz, hepe ng NBI Cybercrime Division.

"Ang usual victim namin dito is 'yung mga not so young ladies, mga retired, or mga profile na single mom," dagdag ni Paz.

Nagpayo ang ahensiya na kilalaning mabuti ang mga nakakausap sa social media, at magsumbong sa oras na mabiktima ng scam. —VBL, GMA News