Inihayag ng isang opisyal ng Department of Energy (DOE) na magpapatuloy pa rin ang pagtaas ng mga produktong petrolyo sa mga susunod na linggo.
Sa panayam ng GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules, sinabi ni Oil Industry Management Bureau director Rino Abad, na wala pa silang nakikitang indikasyon na magkakaroon ng pagpreno sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
“Itong tuloy-tuloy na pagtaas ay may expectation po tayo na mangyayari at mangyayari sa mga susunod na weeks,” anang opisyal.
Ilan sa mga magiging dahilan pa rin ng pagtaas ng presyo ng langis ayon kay Abad ay ang pag-ban ng European Union sa oil importation mula sa Russia, ang pagtaas ng konsumo sa langis sa summer season sa Northern Hemisphere, at ang patuloy na giyera ng Ukraine at Russia.
Ayon pa kay Abad, ang nangyaring mga rollback noon sa presyo ng langis ay dahil sa lockdown sa Beijing at Shanghai sa China.
"Ngayon, palabas na ang China sa lockdown," dugtong niya.
Ipinaliwanag din ng opisyal na karaniwang mas mataas ng P6 hanggang P8 per liter ang presyo ng produktong petrolyo sa Palawan dahil sa kawalan ng import terminals sa lalawigan at mas mahal na transportation cost.
Sinasabing umaabot na sa P100 per liter ang fuel price sa Puerto Princesa, Palawan.
Bukod naman sa fuel subsidies at discounts na ibinibigay ng pamahalaan sa PUV drivers at farmers, sinabi ni Abad na hiniling ng DOE sa mga oil company na magbigay ng promo programs sa mga motorista.
Nitong Martes, nagkaroon na naman ng malakihang oil price hike na umabot sa mahigit P6/L sa diesel at mahigit P2/L sa gasolina.
Simula nitong Enero, umabot na sa P23.85 per liter ang nadagdag sa presyo ng gasolina, P30.30 per liter sa diesel, at P27.65 per liter sa kerosene. —FRJ, GMA News