Sa kulungan ang bagsak ng dalawang Indian national matapos pagnakawan at barilin ang kapwa nila Indian national sa Las Piñas City.
Sa ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapapanood sa CCTV ng Barangay Talon Singko noong nakaraang Linggo ng umaga ang pagdaan ng mga nakamotorsiklong salarin sa Guyabano Street.
Makalipas ang ilang minuto, humaharurot na ang mga suspek sakay ng motor.
Hindi nakunan sa CCTV ang pagbaril nila sa biktima na si Sukchain Singh, isang 32-anyos na Indian national at negosyante.
Makikita sa isa namang video ang paghandusay ni Singh sa Pomelo Street ng nasabing barangay.
Tinulungan si Singh ng dalawang residente para maisakay sa motorsiklo at maisugod sa ospital.
Kasalukuyang nagpapagaling ang biktima matapos magtamo ng sugat sa kaliwang bahagi ng tiyan.
Lumabas sa imbestigasyon ng Las Piñas City Police na naniningil ng pautang si Singh nang mangyari ang insidente.
"Lumapit sa kanya 'yung mga suspek at hinoldup siya. Pagka-holdup sa kanya, nag-resist siya at tumakbo siya papunta mismo roon sa motor niya. Kaya lang binaril siya sa kaliwang parte ng kanyang stomach. Bumagsak siya," sabi ni Police Colonel Jaime Santos, chief ng Las Piñas City Police.
Nakuha sa biktima ang P20,000 halaga ng pera.
Napanood din sa CCTV ang pagsakay ng taxi ng isa sa mga salarin, kaya natunton sila ng mga awtoridad sa isang subdivision sa Parañaque City.
Mga Indian national din ang mga suspek na kinilalang sina Manpreet Singh at Mandeep Singh.
Ayon kay Santos, narekober ng mga awtoridad ang mismong jacket na suot ng gunman, bonnet, mga helmet at numero ng plaka ng motor ng mga suspek.
Hindi pa matiyak ng pulisya kung kakilala ng biktima ang mga suspek, na hindi nagbigay ng kanilang pahayag.
Itinuturing ng Southern Police District na isolated case ang pangyayari. —Jamil Santos/VBL, GMA News