Nagpalabas ng show cause order ang Land Transportation Office-National Capital Region (LTO-NCR) laban sa mag-ari ng SUV na nahuli-cam na nag-hit and run sa isang guwardiya na nagmamando ng trapiko sa Mandaluyong City noong Linggo.

Sa panayam ng Super Radyo dzBB, sinabi ni LTO-NCR Regional Director Atty. Clarence Guinto, na nakatakda ang pagdinig sa Hunyo 7, Martes.

“We scheduled the hearing this week and hopefully the driver and the owner would appear in the hearing. We are, of course, observing due process, ‘yung notice of hearing,” ani Guinto.

Nagpapagaling na sa ospital ang biktima na si Christian Joseph Floralde dahil sa tinamong pinsala sa katawan.

Una rito, natukoy ng Mandaluyong Police ang nakasagasang sasakyan na isang White Toyota RAV 4 na may plakang NCO 3781.

“May isang high resolution video cam na na-identify ‘yung plate number so we were able to get the details in our system ng kung sino ang may-ari ng motor vehicle na ‘yun,” ayon kay Guinto.

Hindi pa batid ng LTO kung ang may-ari ng sasakyan ang siya ring nagmamaneho nang mangyari ang insidente.

Pero hindi niya tinukoy ang pagkakakilanlan nito dahil sa Data Privacy law.

Nagpasalamat naman si Guinto sa netizens na nag-upload ng video sa nangyari.

Maaaring matanggalan ng lisensiya ang nagmaneho ng sasakyan, ayon sa opisyal.--FRJ, GMA News