Naudlot ang tangkang pandurukot sa isang tauhan ng bahay ng grupo ng mga kalalakihang naka-helmet na basta na lamang pumasok sa kanilang tahanan sa Pasig City.
Sa ulat ni Mav Gonzales sa "24 Oras Weekend" nitong Sabado, mapapanood sa CCTV na pumasok ang grupo sa isang bahay sa Barangay Manggahan.
Pilit nilang binuksan ang pinto, hanggang sa lumabas ang babaeng may-ari ng bahay kaya nagpulasan ang mga lalaki.
Ayon sa tauhan ng bahay na si Archie Maravilla, lumabas lamang siya saglit para magpahinga nang dumaan ang grupo ng mga nakamotorsiklo pasado 5 p.m. nitong Biyernes.
Masama umano ang tingin ng isa sa mga lalaki sa kaniya.
Noong una'y nilagpasan pa ng grupo ang bahay, pero bumalik ang mga ito at pumorma na dudukutin siya.
"Ang sabi sa akin, 'Yun ba 'yun? Yun ba 'yun?' Bigla pong pumasok sa loob ng gate. Pagpasok sa loob ng gate, ako pa 'yung puntirya eh kasi hinahatak ko 'yung gate, hinahatak nila eh. Pagkatapos, pumasok ako rito, ginising ko 'yung asawa ng amo ko," sabi ni Maravilla.
"Puro mga naka-bag sila eh, tapos parang mga nakasibilyan lang, mga naka-short, may mga nasa likod, iba pa 'yung driver. Iba pa 'yung nahuli, kasi may nahuli na nakaposas eh. 'Yun po 'yung nagtuturo. 'Yung nagtuturo na 'yon, parang ako 'yung tinutukoy nila eh. Sabi ko naman sa nagtuturo, 'Wala po akong alam diyan,'" dagdag ni Maravilla.
Wala umanong ibinigay na warrant at hindi rin nagpakilala ang mga lalaki.
Amo ni Maravilla ang babaeng lumabas na si Elvira Gepte.
"Pumipilit silang buksan itong pinto. 'Teka, sino kayo? Anong kailangan niyo? Bakit gusto niyo? Bakit niyo hinahabol itong kasama ko?' sabi ko ngang gano'n. Wala silang sinasabi eh pero meron akong parang narinig na may hinuhuli, ewan ko kasi medyo [magulo] na 'yung isip ko hindi ko na masyadong pinapakinggan meron silang hinahanap," sabi ni Gepte.
Pinaupo sa tabi ang isang lalaking tila nakaposas na nagtuturo kay Maravilla habang nakikipagtalo ang iba kay Gepte.
Nang pumasok ang lalaking naka-gray, napansin niya ang CCTV camera kaya pinaatras niya ang mga kasabwat niya.
Hanggang sa isa-isang naglabasan ang grupo kasama si Gepte.
Pagbalik ni Gepte ng bahay, may isang lalaki pa ang naiwan. Sinita ito ni Gepte at pinalabas.
"Noong nakita namin sa CCTV, mga 30 seconds na nawala sa frame, sabi ko baka may hinahanap o may nilalagay. Tumitingin kami diyan, baka mamaya may natanim diyan na kung ano man na shabu o kung ano man. Baka may drugs, tapos biglang bumalik," sabi ni Marv Gepte, anak ni Gepte.
Mapapanood naman sa CCTV ng barangay na agad silang umalis sakay ng mga motor, habang hinahabol naman ni Gepte ang isa hanggang sa kanto para makita niya ang mukha nito at maplakahan ang motor.
Gayunman, walang plaka ang mga motor.
"Maaaring ito napagkamalan. Kasi ito matagal na sa akin ito (bahay) 30 to 35 years, wala naman akong problema diyan... Ang nakakanerbyos lang, bigla silang pasok e alam naman nilang bawal na, trespassing na," sabi ni Gepte.
Sinabi ng barangay na walang nakipag-ugnayan sa kanila na operasyon nitong Biyernes.
Hindi rin namukhaan ang mga lalaki sa video dahil sa mga suot nilang helmet at face mask.
Magiging mas madalas daw ang ronda nila sa lugar, at pinayuhan nila si Maravilla na huwag munang maglalabas sakaling bumalik ang mga lalaki. —Jamil Santos/VBL, GMA News