Aabutin umano ng mahigit isang taon bago matugunan ng Land Transportation Office (LTO) ang paggawa sa backlog ng plaka ng mga motorsiklo na aabot sa 11 milyon.
Ayon sa ulat ni Cedric Castillo sa GMA News “24 Oras" nitong Biyernes, ipinaliwanag ng LTO na kaya lamang ng kanilang plate-making machine ang makagawa ng 500 piraso sa bawat oras.
Sa ngayon, nasa pitong milyon plaka pa lang ang nagagawa ng LTO para sa kabuuang 18 hanggang 19 na milyon na kailangang gawin.
“’Yung 18 to 19 million plates na 'yon, sa ngayon ang nagagawa pa lang namin around 7 million. Kaya ang laki pa ng hahabulin namin. Hopefully, in the coming administration, mabigyan ng mas malaking pondo ang LTO para sa backlog na around 10, 11 million plates,” sabi ni Assistant Secretary Edgar Galvante.
Para matugunan ang problema sa backlog ng mga plaka, iminumungkahi ni Galvante na magkaroon ng licensed third-party contractor.
“Ipapagawa na natin ito sa labas. Para habang ginagawa natin yung moving-forward plate na planta dito, ‘yung backlog ginagawa na ng kung sino man ang manalo sa kontrata,” paliwanag niya.
Ipinaalala rin ng ng LTO ang ipinatutupad na Republic Act (RA) 11235 na dapat may plaka sa harap at likod ang mga motorsiklo.
Hindi naman umano apektado ang mga plaka para sa four-wheel vehicles.
Ibinida na rin ng LTO ang road safety centers na mayroong high-tech amenities para sa driving lessons na puwede nang tumanggap ng mga bisita.
Bukod sa trial exam para makakuha ng lisensiya, mayroon din sa center ng virtual at real-time driving exercises na puwedeng subukan ng mga bisita.—FRJ, GMA News