Dalawang bata ang nasawi, at dalawang iba pa ang nasugatan sa nangyaring pagsabog sa Kumalarang, Zamboanga del Sur nitong Biyernes ng hapon.
Sa ulat ng Super Radyo dzBB, inihayag ng militar na batay sa imbestigasyon ng Malipayon Police Station, pinaglalaruan umano ng mga biktima ang isang tubo na biglang sumabog sa Purok Malipayon.
Ayon sa Kumalarang Police Municipal Station, kaagad na nasawi ang dalawang biktima na edad walo at anim. Dinala naman sa Pagadian City Medical Hospital ang dalawang nasaktan.
Sinabi ng 102nd Infantry "Igsoon" Brigade ng Philippine Army, na ang pagsabog ay posibleng kagagawan ng mga terorista o grupong kriminal.
"Based on the initial investigation, the explosion was caused by an unknown rusty pipe played by the victims. The origin of the said object is yet to be determined by the authorities," sabi sa pahayag ni Brigadier General Leonel Nicolas, commander of the brigade.
"We would like to extend our deepest condolences to the family of the victims of the accident," dagdag ni Nicolas.
Nanawagan siya sa publiko na huwag magpakalat ng hindi kupirmadong impormasyon na maaaring magdulot ng takot sa iba.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung anong uri ng pampasabog ang kumitil sa mga biktima.
Nitong lang nakaraang Mayo 30, isang ang nasaktan nang magkaroon ng magkahiwalay na pagsabog sa Isabela City, Basilan. —FRJ, GMA News