Isang batang lalaki na walong-taong-gulang sa Pasig ang nasawi matapos na pagbuhatan umano ng kamay ng kaniyang mga magulang. Pero paliwanag ng mga magulang, dinisiplina lang nila ang bata.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, makikita ang bangkay ng biktima na puno ng pasa ang katawan.
Sa paunang ulat ng pulisya, lumitaw na ang amain ng bata ang nagdala sa biktima sa ospital noong Biyernes ng hapon matapos na makita raw na walang malay.
Ayon umano sa ina ng bata at kinakasama nito, pinalo ang bata ng tsinelas at pinag-squat bilang pagdesiplina.
“Ang leksyon sa kaniyang pag-aaral so hindi na raw niya nako-comply, itong mga pinapasagutan sa school. Marami raw beses na hindi sumusunod, pinapayuhan siya na gawin kung ano man yung pinapagawa sa school. Hindi niya natutupad,” ayon kay Police Leiutenant Joel Sison, OIC-CID Pasig City Police.
Pero sa resulta ng awtopsiya sa mga labi ng bata, lumitaw na nagtamo ng matinding hampas sa sikmura ang biktima na dahilan ng kaniyang pagkamatay.
“Ang inaalam natin dito, kasi kung yung trauma yung ano... malamang ito ay may it's either hard object na puwedeng pinampalo dito sa bata pero under investigation pa po,” paliwanag ni Sison.
Nasa kostudiya ng pulisya ang ina at amain ng biktima habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa kaso.
Ibinigay naman sa lola ang mga labi ng biktima.
“Puwede naman tayo magdisiplina dahil kailangan po nila 'yan, pero dapat i-consider natin kung hanggang saan lang ang limit natin. Kagaya niyan pagpaparusa sa bata, hindi po 'yan advisable na kailangang saktan ang bata para madisiplina ito,” paalala ni Sison. --FRJ, GMA News