Umaasa si outgoing Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones na magiging face-to-face na ang mga klase sa lahat ng eskwelahan sa Hunyo.

Sa Laging Handa public briefing nitong Lunes, sinabi ni Briones na maglalatag ng iba't ibang plano ang regional offices tungkol sa magiging paraan ng klase depende sa magiging pagsusuri at rekomendasyon ng Department of Health at local government units sa bawat lugar.

“By June, which is already a few days away from now, sa next academic school year, ini-expect natin na fully 100% na talaga 'yung pag-implement natin ng face-to-face classes,” ani Briones.

Ayon sa kalihim, hanggang nitong May 26, mahigit 34,000 o 73% ng public schools ang handa na umano sa face-to-face classes.

Inirekomenda rin ng DepEd ang mga pribadong paaralan na magsagawa na rin ng in-person classes.

Nakatakdang matapos ang panunungkulan ni Briones bilang kalihim ng DepEd sa Hunyo 30, kasabay ng pagtatapos ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Uupo bilang bagong DepEd secretary si vice president-elect Sara Duterte.

Una nang sinabi ng DOH na mas "healthier" at mas marami ang pakinabang sa face-to-face classes.

“Face-to-face attendance in school will allow children to develop their cognitive and social skills experientially,” anang DOH.

“F2F promotes physical and mental health and well-being.  This is based on the latest scientific evidence,” dagdag nito.

Sinabi naman ni DepEd Undersecretary Diosdado San Antonio na hinihikayat nila ang lahat ng paaralan na magsagawa na ng face-to-face classes kahit sa limitadong araw.

“Tinitingnan namin na blended na may face-to-face class na mga araw at may araw na papayagan na nasa bahay pa rin natututo ang mga bata,” paliwanag niya.—FRJ, GMA News