Kinatigan ng Korte Suprema ang guilty verdict ng Sandiganbayan sa kasong katiwalian laban kay NBN-ZTE deal whistleblower Rodolfo Noel “Jun” Lozada Jr. kaugnay ng pagkakaloob niya ng leasehold rights sa public lands sa kaniyang kapatid sa ilalim ng government-owned corporation program.
Sa 17-pahinang resolusyon, ibinasura ng Kataas-taasang Korte ang petisyon ni Lozada at kapatid niyang si Jose Orlando Lozada, at sinentensiyahan sila ng minimum imprisonment ng mula anim na taon hanggang isang buwan at maximum imprisonment ng 10 taon hanggang isang araw.
Taong 2007 nang kasuhan ng Office of the Ombudsman si Lozada kaugnay sa umano sa unwarranted benefits na ibinigay niya sa kaniyang kapatid nang i-award niya ang mahigit 6.599 hektaryang public land sa ilalim ng Lupang Hinirang Program of the Philippine Forest Corporation (Philforest).
Nang panahong iyon, presidente si Jun Lozada ng Philforest.
Taong 2016 nang hatulang guilty sa kasong katiwalian ng Sandiganbayan si Lozada at kaniyang kapatid.
“[R]odolfo’s issuance of a notice of award of leasehold rights in Orlando’s favor, despite non-compliance with the application and auction requirements, smacks of unwarranted and unjustified preference,” ayon sa desisyon ng SC.
“The fact that Orlando was granted a notice of award, even if he did not go through the required procedure, is sufficient to establish that there was a preference in his favor,” dagdag nito.
Kinatigan din ng mga mahistrado ng SC ang desisyon ng Sandiganbayan na nagsabwatan ang magkapatid na Lozada.
“Lastly, the petitioners’ constitutional right to be informed of the nature and cause of the accusations against them was not violated,” saad sa desisyon.
Si Jun Lozada ang whistleblower o nagbunyag sa napurnadang multi-million NBN-ZTE deal na kinasangkutan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Noong 2016, ibinasura ng Sandiganbayan ang kaso laban kay Arroyo, at pinagtibay naman ito ng SC noong 2021.— FRJ, GMA News