Posibleng humingi sa Kongreso ng P5.268 trilyon na pambansang pondo ang incoming administration ni Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. para sa 2023. Higit itong malaki sa 5.024 trilyon na pondo ng pamahalaan ngayong 2022 na hiningi ni outgoing President Rodrigo Duterte.
Inihayag ni Department of Budget and Management (DBM) officer-in-charge Tina Rose Marie Canda ang naturang proposed national budget nitong Martes sa virtual press briefing. Kasunod ito ng 181st meeting ng inter-agency Development Budget Coordination Committee (DBCC) na binubuo ng mga economic manager ng bansa.
Ang mungkahing budget sa susunod na taon ay katumbas ng 22.1% ng gross domestic product ng bansa, ayon kay Canda, na nagbasa ng joint statement ng DBCC.
Ang hihinging pondo ay lampas sa "budget ceiling" na itinakda ng economic managers na P5.242-trilyon noong December 2021.
Ang DBCC ay binubuo ng mga kalihim ng Socioeconomic Planning, Finance (DOF), Budget and Management (DBM), at maging ng governor ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Ayon kay Canda, nagtakda ng economic team ng national budget cap na P5.268-trilyon sa 2023 dahil sa inaasahang mas mataas na revenue collections sa susunod na taon.
“As economic activity is expected to continuously pick up over the medium-term, revenue projections were revised upward to P3.633 trillion (15.3% of GDP) for 2023…,” anang kalihim ng DBM.
Tinataya naman ng economic managers na nasa P5.086 trilyon ang gastusin sa susunod na taon o 21.3% ng GDP.
Nananatili naman ang target fiscal deficit sa 6.1% ng ekonomiya sa 2023.
Ayon kay Canda, dapat manatili ang incoming administration ni presumptive president Ferdinand Marcos Jr. sa P5.268-trilyon na budget ceiling “for prudent fiscal management.”
“It may be tight but we have live within that level if we want to be respected in the international financial community,” sabi ng kalihim ng DBM na chairperson din ng DBCC.
“However, we can tweak within the budget. The cap is not set in stone, the composition can actually change. If we want to be true to our word of having good fiscal management we will stick to that level,” ani Canda. -- FRJ, GMA News