Lalong pumatok ang dessert na "mango sticky rice" sa Bangkok matapos kumain nito ang Thai rapper na si Mill habang nagpe-perform sa Coachella Valley Music Arts Festival sa US.
Ayon sa ulat ng Reuters, ang sikat na kakanin ay kinain ni Mill habang kinakanta ang “Mango Sticky Rice.” Ito ay nag-resulta sa mataas na benta para sa mga manggagawa sa Thailand.
“We had to shut down the apps in order to catch up with the orders before resuming it again. We have been turning it on and off throughout the day,” sabi ng Mae Varee owner na si Thanyarat Suntiparadorn.
(Kinailangan naming patayin ang apps para makahabol sa orders bago ituloy ulit. Pinapatay at binubuksan namin ito paulit-ulit sa isang araw.)
Sinabi rin ni Suntiparadorn na nakatulong talaga ang ginawa ni Mill upang itaas ang benta nila nang mas malaki pa sa 100%.
Bukod sa tindahan ni Suntiparadorn, kinailangan din itaas ng mga nagbebenta sa Chinatown sa Bangkok ang kanilang stock para sa maraming mamimili.
Dahil sa pangyayaring ito, kinokonsidera na ng Culture Ministry na i-rehistro ang mango sticky rice sa United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) cultural heritage list, ayon kay Prime Minister Prayuth Chan-ocha.
Ang Coachella 2022 ay idinaos noong April 15-17 at April 22-24. Kabilang sa mga dumalo ay sina Harry Styles, Billie Eilish, Daniel Caesar, The Weekend, 2NE1, at aespa. —LBG, GMA News