Sa kulungan ang bagsak ng tatlong South Korean na mga miyembro umano ng mga sindikato. Ang isa sa kanila, sangkot din sa kasong pagpatay ng kaniyang kaibigan.
Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapapanood sa video ng Bureau of Immigration - Fugitive Search Unit (BI - FSU) ang tensyon sa NAIA Terminal 4 matapos magtangka ang dalawang Koreanong pugante na umiwas sa mga opisyal na aaresto sa kanila.
Ayon kay Rendel Sy, hepe ng BI-FSU, may standing warrant of arrest ang dalawang Koreano sa South Korea dahil mga lider umano sila ng isang telecom fraud syndicate na may operasyon sa Pilipinas.
Kumita na rin umano ang mga sindikato ng 80 milyong Korean won.
Natuklasan ng mga awtoridad na nagbakasyon ang mga suspek sa Palawan, kaya inabangan nila ang mga ito sa airport pagbalik ng mga suspek.
Samantala sa Quezon City, dinakip din ang isang puganteng Koreano na lider umano ng sindikato na modus ang mang-scam.
Nasangkot din ang suspek sa pagpatay sa kapwa Koreano sa Pilipinas.
"Mayroon silang birthday celebration doon ng magkakaibigan, nagkaroon sila ng heated argument, nagkaroon sila ng fistfight, nagkataon na 'yung kaibigan niya ay napuruhan niya, nagkaroon ng head trauma," sabi ni Police Lieutenant Colonel Bryan Andulan, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Cavite.
Sinisikap pa ng GMA News na makuha ang panig ng mga inarestong dayuhan. —LBG, GMA News