Arestado ang isang traffic aide ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Pasig City nitong Biyernes ng gabi dahil umano sa pangongotong.
Ayon sa Facebook post ng MMDA nitong Sabado, inaresto ang traffic aide na si Jomar Palata, 40, ng mga tauhan ng Philippine National Police Highway Patrol Group – Special Operations Division sa isang entrapment operation.
Naka-assign daw ang suspek sa Office of the Assistant General Manager for Operations ng MMDA.
Base sa police report, isang babaeng biktima ang humingi ng tulong sa pulisya matapos daw subukan ng suspek na magsagawa umano ng extortion.
Ayon sa report ng pulisya, nagpakilala raw ang suspek sa biktima na isa siyang law enforcement personnel ng Land Transportation Office.
Ayon sa biktima, noong Abril 28 ay sinabihan siya ng suspek na huhulihin ang kanyang mga commuter van kung hindi siya magbibigay umano ng P100,000.
Sinabi naman ni MMDA Chairman Romando Artes na hindi kukunsintihin ng ahensiya ang anumang ilegal na gawain ng mga tauhan nito.
Hinikayat ni Artes ang mga biktima ng extortion at coercion at 'yung mga nagbibigay ng payola na isumbong ang ganoong mga ilegal na gawain.
“The MMDA is serious in cleaning its ranks of any wrongdoings as we are likewise very firm in keeping the agency corruption-free,” ani Artes.
“Anyone who was victimized by erring personnel is encouraged to lodge a complaint in our office for investigation. Proven guilty, the MMDA will not be gentle in meting out punishments for these individuals,” dagdag pa niya.
Sabi ni Artes, ang mga lehitimong apprehension mula sa MMDA ay kailangang i-settle sa MMDA Redemption Center sa Makati City o sa pamamagitan ng mga authorized online payment channels tulad ng Landbank at Bayad.
Kasalukuyang nakadetine ang suspek at nahaharap sa kasong robbery extortion, grave coercion, at usurpation of authority. —KG, GMA News