Nalimas ang ipinundar ng isang dating overseas Filipino worker matapos silang mabiktima ng "Dugo-dugo" gang sa Rodriguez, Rizal.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, ikinuwento ng biktimang si Vince Fortun, na naiwan sa kanilang bahay ang kanilang anak habang nasa trabaho silang mag-asawa.
May tumawag umano sa kanilang bahay na nakausap ng kaniyang anak. Sinabi umano ng tumawag sa kaniyang anak na kailangan niya ng tulong dahil nakakulong siya.
“Di ba tatay mo si ano? Ang sabi beating the red light daw po ako tapos nakakulong daw po ako ngayon. So, ang sinasabi po dun sa bata meron daw perang nakatago dun sa aparador namin,” ayon kay Fortun.
Nang walang makitang pera ang anak, inutusan umano ang bata ng tumawag na alahas na lang at iba pang gamit ang kunin at dalhin sa Muñoz, Quezon City.
Ginawa naman ito ng anak at nang makuha ang mga alahas ay nawala na ang salarin.
Ayon sa pulisya, nabiktima ng “dugo-dugo” modus ng mga kawatan ang pamilya ni Fortun.
‘Yan ang gusto nila mabilisan so you don’t have time to think,” sabi ni Police Inspector Michelle Sabino, spokesperson ng Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group.
Samantala, isang nagpakilalang ahente ng recuitment agency naman ang nanloko at nakakuha ng P28,000 sa isang agency na may dalang pitong aplikanteng na nais sanang magtrabaho sa Kuwait.
Ayon sa biktima, binigyan sila ng form ng suspek at ipinakilala sa staff ng isang agency na gustong magtrabaho sa abroad.
Idinahilan umano ng suspek na kailangan munang tubusin ang pasaporte ng mga aplikante na nasa ibang agency na nagkakahalaga ng P28,000.
Nang maibigay umano ng staff ang pera, nawala na ang suspek at hindi na bumalik.
Patuloy na hinahanap ng pulisya ang mga salarin sa dalawang modus ng panloloko.--FRJ, GMA News