Arestado sa entrapment operation ang anim kataong nagpakilalang miyembro ng isang religious group. at nanghingi umano ng P50 milyon sa isang kongresista para makuha ang kanilang suporta.
Sa ulat ni John Consulta sa “24 Oras Weekend” nitong Sabado, kinilala ang itinuturong lider ng grupo na si Amelito Dela Cruz, na nagpakilalang ministro umano ng Iglesia ni Cristo (INC).
Ayon kay Negros Oriental Representative Arnulfo Teves, nakipag-ugnayan sa kaniyang ang mga suspek noong November 2021 at nagpakilalang opisyal sila ng religious group.
Nangako raw ang mga ito na makukuha niya at ng kaniyang kapatid ang kanilang suporta sa eleksiyon kapalit ng malaking halaga ng pera.
“Kailan lang nangamusta sila sa akin dahil 'di ba yung may balita tungkol sa anak ko, nangamusta sila sa akin. Sabi nila andito lang kami... parang sabi nila kailangan niyo na mag-negotiate dahil malapit na ang eleksyon. Ang hiningi na nila ay P50 million na magdown daw ako ng P25 [million],” ayon kay Teves.
Kaagad na humingi ng tulong si Teves sa National Bureau of Investigation (NBI) at inilatag ang entrapment eperation laban sa mga suspek.
Ngunit ayon kay NBI-ARD Noel Bocaling, lumitaw sa kanilang pagtatanong na hindi ministro ng INC ang suspek.
“Nagpapakilalang ministro at apo ng executive minister ng INC we further verify the information. Nalaman ko hindi nga totoo, dahil wala namang ministro na ganoon ang pangalan. Noong nakausap ko yung isang member ng Iglesia ni Cristo talagang nagulat din sila dahil wala namang ganyan. Ang favorable endorsement ng Iglesia sabi nila is by the spirit, hindi for sale,” ayon kay Bocaling.
Tumangging magbigay ng pahayag ang mga suspek.
“Inaalam na natin kung sino pa ang iba pang kasabwat ng grupong ito sa kanilang modus na religious endorsement scam para sa eleksyon na ito. At bukas ang tanggapan natin para tumanggap ng reklamo laban sa mga grupong ating inaresto,” pahayag naman ni NBI Director Eric Distor.
— FRJ, GMA News