Sa kulungan ang bagsak ng isang taxi driver at isang barker sa NAIA matapos nilang singilin ang tatlong turistang Pranses ng P10,000 sa pamasahe at nagbantang saktan ang mga ito nang tumangging magbayad.
Nang arestuhin sa NAIA, nagtangka pang tumakas ang mga suspek at binangga ang isa sa mga airport police.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa "24 Oras Weekend" nitong Sabado, sinabing nagtungo ang tatlong Pranses sa NAIA Terminal 3 galing sa isang probinsya matapos ang isang buwang pag-iikot sa bansa.
Pabalik sila ng Malate sa Maynila at naghahanap ng masasakyan, nang mag-alok ng taxi ang barker na si Mark Anthony Superable.
Pumayag naman agad ang tatlo at sumakay sa taxi na minamaneho ni Johnny Bungulan, pero sumama rin ang barker.
Nang nasa Skyway, dito na siningil ang mga dayuhang Pranses ng $200 o mahigit P10,000. Pero dahil mahal, hindi pumayag ang mga turista.
Nanakot na ang driver at barker, tinutukan sila ng patalim, at pinagbantaan silang hahampasin ng bakal.
Dahil sa banta, pumayag na lamang ang mga turista sa hiling ng mga suspek.
Nagtungo ang mga dayuhang Pranses sa NAIA kinabukasan para magsumbong sa airport police.
Tiyempo namang nasa airport din ang mga suspek, at positibo silang kinilala ng tatlong turista.
Pero sa halip na sumunod sa mga awtoridad, sinubukan pang tumakas ng mga suspek at binangga ang isa sa mga pulis sa airport.
"'Sir sorry Sir.' Maayos naman 'yung lalaking kausap ko," ayon kay Bungulan.
Nahaharap ang dalawang suspek sa reklamong attempted homicide, resistance and disobedience to person in authority, unjust vexation, grave coercion at paglabag sa duty to procure license. —Jamil Santos/VBL, GMA News