Nasabat ng mga awtoridad ang mahigit sa P20 milyong halaga ng tinaguriang "tsaa-bu" mula sa dalawang Chinese sa Quezon City.

Ayon sa mga pulis, may kaugnayan umano ito sa higit P1B halaga ng droga na nasabat naman sa Valenzuela City noong nakaraang Martes.

Sa ulat ni James Agustin sa "Unang Balita" sinabing sa isang hotel sa Cubao isinagawa ang pinagsamang buy-bust operation ng mga elemento ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ng Quezon City Police District (QCPD) laban sa dalawang Chinese pasado alas-onse nitong Miyerkules ng gabi.

Arestado ang dalawang Chinese at nakuha mula sa kanila ang aabot sa tatlong kilo ng shabu na nakasilid sa teabags o tinatawag na tsaa-bu.

Nagkakahalga ang droga ng P20,400,000.

Ayon sa PDEA, may kaugnayan ang operasyon sa nasabat nilang mahigit P1 bilyong halaga ng tsaa-bu sa Valenzuela at inaalam pa nila kung paano nakapasok sa bansa ang droga.

Itinuturing ng PDEA ang dalawa na high-value targets (HVTs), na mahaharap sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. —LBG, GMA News