Inaresto ng mga awtoridad sa Quezon City ang isang 42-anyos na lalaki na nanggahasa umano ng 25 babae, kabilang ang ilang menor de edad. Ang mga biktima, tsina-chat daw ng suspek sa Facebook.
Sa ulat ni Glen Juego sa Super Radyo dzBB nitong Miyerkules, kinilala ang suspek na si Alexander Yu, na mahaharap sa mga reklamong rape, robbery at paglabag sa child abuse law.
Ayon kay Brigadier General Remus Balingasa Medina, isinagawa ang operasyon laban kay Yu matapos na may magreklamo laban sa suspek.
LOOK: Lalaki na umano'y nanggahasa sa mahigit 20 menor-de-edad, naaresto ng QCPD; isa pang kasamahan ng suspek, arestado. | via @glenjuego pic.twitter.com/y3yczKEvkw
— DZBB Super Radyo (@dzbb) March 9, 2022
Ang modus umano ni Yu, kokontakin ang target sa FB at aalukin ng trabaho na may malaking suweldo.
Nagpapanggap umano ang suspek na nagbebenta ng mga mamahaling damit.
Kapag nakipagkita ang biktima, doon na niya hoholdapin ang biktima at gagahasain.
Inamin umano ni Yu ang dami ng kaniyang biktima pero hindi raw niya pinilit o ginahasa ang mga babae.
Lumilitaw na dalawang taon na umanong ginagawa ni Yu ang naturang modus.
Nakumpsika sa suspek ang 55 SIM card at mga memory card na mula umano sa mga naholdap na biktima.
Hinikayat ni Medina ang iba pang nabiktima ni Yu na magsampa ng reklamo. --
FRJ, GMA News