Nag-spark hanggang sa tuluyang lumiyab ang isang taxi habang hinihila matapos masiraan madaling-araw nitong Miyerkules sa Quezon City.
Iniulat sa "Unang Balita" ni James Agustin na pasado alas-tres ng umaga ng biglang magliyab ang taxi sa V. Luna Avenue.
Makikita sa video na may sumabog sa nagliliyab na taxi. Ilang minuto lang ang lumipas ay dumating na umano ang mga bumbero at agad namang naapula ang apoy.
Sunog na sunog ang taxi at nabalot ng makapal na usok ang lugar. Mabuti na lamang umano ay nakalabas kaagad ang driver nito.
Kuwento ng driver ng kotseng humihila sa nasiraang taxi, hinihila niya ang taxi upang dalhin sa garahe sa Parañaque City.
Ilang metro pa lamang munao silang nakakausad ay bigla nang nag-spark ang hinihilang taxi, ayon sa driver ng tow car.
At pagkatapos ng spark, deretso na umanong nagliyab ang taxi.
Iniimbestigahan pa ng Bureau of Fire Protection-Quezon City (BFP-QC) ang insidente. —LBG, GMA News