Ipinaalala ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na P9 pa rin ang minimum fare sa public utility jeepneys (PUJs) kahit ipinatupad na ang malakihang taas sa presyo ng produktong petrolyo ngayong Martes.
Sa ipinadalang mensahe ni LTFRB executive director Tina Cassion sa mga mamamahayag, sinabi niya na wala pang desisyon ang LTFRB sa petisyon ng mga transport group para sa dagdag na singil sa pamasahe.
Una rito, dininig ng LTFRB kaninang umaga ang mga petisyon ng ilang transport groups para sa minimum fare increase sa National Capital Region (NCR), Region 3 at Region 4.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng LTFRB na isinumite na sa Board para sa desisyunan ang kahilingan na gawing P10 ang minimum fare sa PUJ service.
Bukod sa petisyon na provisional increase na P1, may pangunahing kahilingan ang transport groups na itaas P14 o P15 ang minimum fare, at gawing P2.50 mula sa kasalukuyang P1.50 ang singil sa succeeding kilometers matapos ang apat na kilomentro.
Aminado naman ang LTFRB na kailangan tugunan ang usapin sa pamasahe, na hindi lang ang transport groups ang apektado kung hindi maging ang mga pasahero.
Ipinatupad ngayong araw ang P5.85 per liter ang dagdag sa presyo sa diesel, P3.60 per liter sa gasoline, at P4.10 per liter sa kerosene.— FRJ, GMA News