Nasabat ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nasa 160 kilo na hinihinalang shabu sa isang operasyon na isinagawa sa Valenzuela City nitong Martes.

Sa ulat ni Carlo Mateo sa Super Radyo dzBB, sinabi nito na aabot sa mahigit P1 bilyon ang halaga ng ilegal na droga na nakita sa isang subdibisyon sa Barangay Karuhatan.

Hindi pa umano kinukumpirma ng mga awtoridad kung mayroon naaresto sa isinagawang anti-illegal drugs operasyon.

Bagaman inihayag sa naunang impormasyon na mayroong dalawang naaresto.

 

 


Nakasilid umano ang mga ilegal na droga sa tila pakete ng mga tsaa sa mistulang bodega ng mga parcel para sa online delivery service.

Patuloy pa ang isinasagawang imbentaryo ng mga nakumpiskang hinihinalang ilegal na droga. --FRJ, GMA News