Nagmamadaling naglabasan sa selda dahil sa sunog ang mga nakadetine sa Taguig City Police Station nitong Biyernes ng tanghali.

Sa ulat ni Glen Juego sa Super Radyo dzBB, sinabing aabot sa 50 nakadetine ang nagtamo ng sugat dahil sa sunog nangyari dakong 12:12 pm.

Ilan sa mga bilanggo ang nakahubad nang lumabas ng presinto at may mga tila nahirapang huminga.

Kinailangan dalhin sa ospital ang 27 nakadetine dahil sa tinamo nilang sugat.

 

 

Ayon kay Fire Safety Division Section Chief Inspector Demetrio Sablan, umabot lang sa unang alarma ang sunog at idineklarang kontrolado na ang apoy dakong 12:35 p.m.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, posible umanong sa selda mismo nagsimula ang sunog.

Gayunman, tinitingnan pa rin ang ibang posibleng pinagmulan ng apoy tulad ng problema sa electrical wiring.

Inilipat na muna sa ibang lugar ang mga nakadetine. --FRJ, GMA News