Malakihang dagdag-presyo ang asahan ng mga motorista at mga tsuper sa susunod na linggo matapos na sumirit sa higit $100 per barrel ang presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado bunga ng digmaan ng Russia at Ukraine.

Batay sa pagsubaybay sa kalakalan ng langis sa nakalipas na apat na araw at base sa Mean of Platts Singapore, sinabi sa GMA News Online ng oil industry source na posibleng pumalo sa P4.20 hanggang P4.50 ang madagdag sa presyo ng diesel bawat litro.

Samantalang na P3.00 hanggang P3.30 per liter naman ang itataas ng presyo sa gasolina.

Sa Mean of Platts Singapore (MOPS), ang daily average sa lahat ng trading transactions ng mga bumibili at nagbebenta ng petroleum products ang ginagamit ng  local oil industry. Sinusuri at inaanalisa ito ng Standard and Poor’s Platts.

Ang paggalaw ng presyo ng mga produktong petrolyo ay posibleng magbago sa magiging resulta ng kalakalan sa Biyernes.

Ang Brent crude ay tumaas sa $119 per barrel dahil pa rin sa pagsalakay ng Russia sa Ukraine.

Karaniwang inaanunsyo sa Pilipinas ang magiging presyuhan sa produktong petrolyo sa Lunes, at ipatutupad sa Martes.

Mula nitong Enero, na P9.6 per liter na ang itinaas sa presyo ng gasolina at P11.65 per liter naman sa diesel. — FRJ, GMA News