Asahan ang lalo pang pagsipa ng presyo ng mga produktong petrolyo sa mga susunod na linggo dahil sa paglusob ng Russia sa Ukraine.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ng mga analyst na posibleng tumaas ang presyo ng gasolina na mula sa kasalukuyang average na P68 per liter ay aabot ng hanggang P77.
Habang ang diesel na nasa P59 per liter ngayon, maaaring sumipa ng hanggang P73.
Ang halaga ng benchmark sa Brent crude ay tumaas sa mahigit $102 per barrel mula noong 2014 nang atakihin din ng Russia ang Ukraine sa pag-agaw sa Crimean Peninsula.
Inaasahan ng mga analyst na ang presyo ng krudo sa world market ay aabot sa $120 per barrel sa mga darating na linggo.
"Itong problemang kinakaharap natin is a global problem. Hindi lang sa Pilipinas nangyayari 'to so nagkakaroon tayo ng kakulangan sa supply at ang production natin ay hindi nakaka-cope up," ayon kay Energy Undersecretary Gerardo Erguiza Jr.
"Expected na tataas pa, but hopefully sabi nga nila, what goes up must come down eventually," dagdag niya.
Sinabi rin ng opisyal na walang direktang epekto sa supply ng langis sa Pilipinas ang banggaan ng Russia at Ukraine dahil hindi direktang nanggaling sa Russia ang krudo na ginagamit sa bansa.
"Wala kaming nakikita as of now... Du'n sila sa Europe tatamaan," ani Erguiza.
Inihayag naman ng pamahalaan na handa itong magbigay ng ayuda sa apektadong sektor tulad ng mga tsuper, magsasaka at mangingisda.
Ang Department of Transportation, mayroon umanong nakahandang P2.5 bilyon Fuel Subsidy Program para sa mga apektadong sektor, ayon sa Development Budget Coordination Committee (DBCC).
“This aims to provide fuel vouchers to over 377,000 qualified PUV drivers who are operating jeepneys, UV express, taxis, tricycles, and other full-time ride-hailing and delivery services nationwide,” ayon sa DBCC.
—FRJ, GMA News