Nagtamo ng sugat sa dibdib ang isang lalaking pasahero ng Transport Network Vehicle Service (TNVS) matapos siyang barilin ng isang nakamotorsiklong pulis na lasing umano sa Quezon City.
Sa ulat ni Cedric Castillo sa GTV "Balitanghali" nitong Huwebes, mapapanood sa dashcam footage ng TNVS ang pagbiyahe ng isang rider sa Scout Rallos Extension gabi ng Pebrero 8.
Unang nakita ang rider na tumigil at may pinulot na nahulog mula sa kaniya. Ilang saglit pa, bumaba na ang rider sa motorsiklo at pasuray-suray na nilapitan ang TNVS hanggang sa manutok ito ng baril pero hindi naman ito kinalabit ang gatilyo.
"Wala naman kaming ginawang busina, hindi naman siya pinotpotan, hindi namin siya minamadali. Naglalakad siya pagewang-gewang, tinutukan niya kami ng baril," sabi ng biktimang si Ad Castor.
Sa isa namang CCTV footage, mapapanood ang pag-alis ng rider, na hindi tuwid ang andar ng sasakyan.
Bumaba si Castor sa sasakyan para balaan ang sasakyan sa kanilang likuran sa insidente. Pero habang kausap ang driver ng puting sasakyan, dito na siya may naramdamang tama sa kaniyang dibdib.
"Nagulat na lang ako may tumama sa akin. Pagtingin namin, butas na 'yung damit ko. Pag silip ko sa dibdib ko, ayun na, may nakita ako na namumula, bilog," ani Castor.
Hindi nakunan sa dashcam o CCTV footage, pero ayon sa driver ng TNVS, nagpaputok diumano ang rider ng motorsiklo mula sa kalayuan.
Nagawa namang makipag-video call ng biktima sa kaniyang nobya para humingi ng tulong.
Pagdating sa ospital ng biktima, napag-alamang tinamaan pala siya ng bala na halos tumagos sa kaniyang dibdib.
Habang nasa ospital si Castor, dumating ang mga nagpakilalang imbestigador mula sa QCPD, pero laking pagtataka niya sa pamamaraan ng imbestigasyon ng mga ito.
"Sabi daplis lang daw 'yon, tapos umalis na agad sila. Hindi nila hinintay 'yung doktor. Hindi na sila nagtanong sa doktor kung major ba 'yung tama. After namin sa ospital, naghihintay kami ng feedback from the police, wala nang nangyari," ani Castor.
Dahil sa kutob na walang makakasuhan sa nangyari, sumangguni ang biktima sa Quezon City People's Law Enforcement Board.
Lumabas sa imbestigasyon ng ahensiya na kinilala ang rider bilang si Police Corporal Raymart Rigor ng QCPD, na diumano' nanutok ng baril.
Galing diumano ang pulis sa party na ang mga kasama at mga kapuwa niya pulis.
Nahaharap ang pulis sa kasong frustrated murder, habang damay din sa imbestigasyon ang mga nakainuman niyang pulis, pati ang dalawang imbestigador.
Ayon kay Atty. Rafael Calinisan, Executive Officer ng PLEB QC, isang kaso ng grave misconduct ang ginawa ng suspek, habang kinasuhan naman nila ang mga kapulisang nag-inuman ng grave neglect of duty.
"Yes umamin. Actually he surrendered. Ang pamunuan ng QCPD ay hindi kailanman kukunsintihin ang ganitong pang-aabuso, maling gawain ng sinoman lalo na kapag miyembro ng PNP," sabi ni Police Brigadier General Remus Medina, Director ng QCPD.
Tumangging magbigay ng pahayag ang mga pulis na sangkot sa insidente.--Jamil Santos/FRJ, GMA News