Nagprotesta sa harap ng tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang ilang driver at konduktor sa EDSA bus carousel ng gobyerno dahil ilang buwan na raw atrasado ang kanilang suweldo.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing isa sa mga driver na nagprotesta na si "Mario." Aniya, apat na beses na siyang napaalis sa inuupahan kasama ang pamilya dahil hindi siya makapagbabayad ng upa bunga nang naipit niyang suweldo.
Ang EDSA Bus Carousel ay bahagi ng service contructing program ng gobyerno noong kasagsagan ng pandemiya, at libreng nagsasakay ng mga pasahero.
"Wala kaming makain. Kumakain kami, isang beses sa isang araw. Sa isang linggo siguro apat na beses lang. Yung gatas nga ng anak ko tubig na lang," ayon kay Mario.
Mayroon pribadong kompanya ang mga driver at konduktor pero ipinarating nila sa LTFRB ang kanilang hinanakit sa atrasadong sahod kaya sila nagsagawa ng kilos-protesta.
Ikinagulat naman daw ng employer ng mga driver at konduktor ang ginawang pagra-rally ng mga tauhan dahil tinutugunan naman daw nila ang usapin.
Ayon kay Ritchie Manuel ng ES Consortium, ang problema ay pinag-uusapan na raw sa pamamagitan ng National Conciliation and Mediation Board (NCMB), at nakikibahagi raw ang kompanya sa naturang mediation process.
Sinabi naman ng LTFBR na nagagampanan nila ang kanilang obligasyon sa pagbabayad sa mga operator.--FRJ, GMA News