Isang barista sa isang milk tea shop sa Makati City ang nabiktima nitong Sabado ng gabi ng umano'y package scam.
Ayon sa ekslusibong ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita ng GMA nitong Lunes, mag-isa lang sa shop sa J.P. Rizal Avenue Extension ang lalaking barista nang may dumating na motorcycle rider.
May dalang parcel ang motorcycle rider na naka-address sa may-ari ng shop.
Pina-receive ng rider sa barista ang package at hiningi ang bayad na P2,100.
Wala ang may-ari na si Pierre de Borja noon at agad nagtiwala ang barista at binayaran ang rider.
May ipinakita raw kasing papel ang rider na nakasulat ang buong pangalan ng barista pati na ang may-ari ng shop.
Sabi pa raw ng rider ay kausap niya ang may-ari ng shop at sinabi raw nito na tatawagan niya ang barista.
Nag-request pa ang rider na kuhanan ng picture ang barista bilang proof of delivery.
Pag-alis ng rider ay nag-message ang barista kay de Borja at sinabing dumating na ang package at binayaran na niya ito.
Kinabahan si de Borja at sinabing baka scam iyon.
Wala raw sticker o bar code ang package.
Nang buksan nila ang package, nakita nila na ang laman nito ay mga plastic na bote, isang kaha ng sigarilyo, at isang kahon ng e-cigarettes.
Payo ni de Borja sa publiko ay maging alerto dahil marami ang gumagawa ng mga scam ngayon sa hirap ng buhay. —KG, GMA News