Sinabi ni Senador Grace Poe nitong Huwebes na hindi dapat ipasa sa publiko ang pagsusuri sa mga pekeng pera na posibleng ilabas ng automated teller machines (ATMs).
Ginawa ni Poe ang pahayag makaraang maglabas ng abiso ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na dapat suriin ng publiko ang mga pera na makukuha nila sa ATM na baka malusutan ng pekeng pera.
Pero puna ni Poe, chairman ng Senate banks, financial institutions, and currencies, bakit may makalulusot na pekeng pera sa mga makina ng bangko.
“The burden of distinguishing counterfeit bills emanating from banks from genuine ones should not be placed on depositors. ATMs dispensing fake bills is unacceptable and must have no place in the banking system,” anang senadora.
Dagdag pa ni Poe, dapat laging tiyakin ng mga bangko na mayroon silang state-of the art defenses laban sa mga posibleng makalusot sa kanilang seguridad.
“It is our financial institutions that carry the responsibility to steadfastly guard against vulnerabilities and keenly upgrade their systems amidst the changing times to keep our people's unflinching trust in the banking industry,” saad niya.
Sa naturang abiso ng BSP na inilabas nila kamakailan lang, nagbigay din sila ng payo kung papaano malalaman ang pekeng pera.
Tiniyak din nila sa publiko na ginagawa ng mga bangko ang mga kailangan nilang gawin tungkol sa naturang usapin.—FRJ, GMA News