Nakapagtala ng 15,789 na mga bagong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas ngayong Miyerkules. Mas marami naman ang mga bagong gumaling na mahigit 32,000.
Batay sa datos ng Department of Health (DOH), nakasaad na 230,410 ang mga aktibong kaso o mga pasyenteng ginagamot o nagpapagaling.
Sa nasabing bilang, 6,902 ang asymptomatic; 218,711 ang mild; 2,982 ang moderate; 1,507 ang severe; at 308 ang kritikal.
Sinabi ng DOH na sa bilang ng mga bagong kaso, 15,061 o 95% ang nangyari sa nakalipas na 14 araw na mula Enero 13 hanggang 26.
Ang mga rehiyon na may pinakamaraming kaso sa nakalipas na dalawang linggo ay Region 4-A (2,248 cases o 15%), National Capital Region (NCR) (2,135 o 14%) at Region 7 (1,520 o 10%).
Samantala, umabot naman sa 32,712 ang mga bagong gumaling mula sa virus.
Nadagdagan naman ng 66 ang mga nasawi para sa kabuuang bilang na 53,664.
Ang COVID-19 positivity rate ng bansa ay nasa 35.8%, na malayo sa 5% positivity rate na itinatakda ng World Health Organization.
Tatlong laboratoryo umano ang hindi nakapagsumite ng datos sa takdang oras sa COVID-19 Document Repository System.—FRJ, GMA News