Pitong US military personnel ang nasaktan nitong Lunes nang sumablay ang F-35C warplane sa paglanding sa deck ng aircraft carrier USS Carl Vinson na nasa South China Sea.
Sa pahayag ng US Navy, sinabing nakapag-eject ang piloto at nasagip.
Nangyari umano ang insidente habang nagsasagawa ng "routine flight operations" ang US military sa South China Sea.
"The pilot safely ejected from the aircraft and was recovered via US military helicopter," ayon sa pahayag. "The pilot is in stable condition. There were seven total Sailors injured."
Tatlo sa mga sugatan ang kinailangang ilipad sa medical facility sa Manila, at stable naman ang kalagayan.
Ang apat naman ay nananatili sa carrier.
Ayon sa Navy, iniimbestigahan pa ang dahilan ng "inflight mishap."
Una nang sinabi ng Pentagon na nagsimula nitong Linggo ang operasyon ng dalawang US Navy Carrier Strike Groups, na pinangungunahan ng Carl Vinson at USS Abraham Lincoln sa South China Sea.
Pumasok ang mga carrier sa pinagtatalunang bahagi ng karagatan para sa pagsasanay, kasunod ng ulat mula sa Taiwan na panibagong Chinese air force incursion sa kanilang nasasakupan. -- Reuters/FRJ, GMA News