Sa tamang panahon, sinabi Pangulong Rodrigo Duterte na papangalanan niya ang mga presidential bet sa Eleksyon 2022 na umano'y "corrupt" at "unfit" na mamuno sa bansa.
Sa ikalawang bahagi ng kaniyang pre-recorded Talk to the People na ipinalabas nitong Martes, sinabi ni Duterte na dapat malaman ng publiko kung sino ang mga kandidato na kaniyang tinutukoy.
"In due time, I will personally name the candidates, maybe. What is wrong with them. Kailangan malaman ng tao because you are electing a president," anang pangulo.
"Kung sino iyong pinaka-corrupt na kandidato. Hindi ako namumulitika I am talking to you as your president. There are things you must know," patuloy niya.
Ayon pa kay Duterte, personal na alam daw niya ang mga kandidatong pangulo at batay sa mga nakakalap niyang impormasyon bilang pangulo.
"Kailangan may malaman kayo na alam ko na 'di niyo alam. Alam ko. Why? Because I am the President, I get information from everybody, and also personal experience, observation," sabi pa niya.
Isa sa mga kandidato umano ay lasenggo na nang-iisulto at naghahamon ng away. Habang mayroon naman na isang kandidato na sobra umanong corrupt.
"Akala ng mga tao, malinis [pero] 'yung mga nag-transact ng business sa kaniya, pati mga Chinese, masyadong corrupt raw," pasaring pa ni Duterte.
Mayroon din umanong kandidato na walang karanasan na mamuno.
"Meron dito hopelessly, I think, hindi dapat mag-presidente kasi medyo kulang talaga, kulang na kulang," aniya.
Gayunman, ang tao umano ang magpapasya kung maniniwala sa kaniya o hindi.
"Bahala na kayo if you still believe me, I will thank you. If you reject it, bahala kayo [it is up to you]. It is your country, it is not only mine," aniya.
Sabi pa ng pangulo, isa lang sa mga presidential bets ang posibleng walang isyu. Pero maaga pa raw para pag-usapan niya ang tungkol sa mga kandidato.
"Maraming nagtatanong, bakit hindi ako nagsasalita. Maaga pa eh," ayon kay Duterte.—FRJ, GMA News