Iginiit ni presidential aspirant at dating senador Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na hindi siya duwag. Ito ay makaraang mag-trend ang hashtag #MarcosDuwag dahil sa hindi niya pagsali sa nakaraang "The Jessica Soho Presidential Interviews."
"Siguro naman sa pinagdaanan ko sa buhay ko, maliwanag naman na hindi ako duwag na tao," sabi ni Marcos sa panayam ng One News.
Inakusahan ni Marcos na "biased" o may kinikilingan si Soho kaya hindi siya nagpaunlak ng panayam. Gayunman, apat na presidential aspirants ang humarap kay Soho.
Para kay Marcos, ang "biased" media ay mga mamamahayag na "anti-Marcos."
Aniya, pinagbasehan niya ang naranasan umano niya noon sa panayam ni Soho.
"Pinagbabasehan ko lang 'yong karanasan ko... hindi lang ako, pati na rin 'yong kapatid ko... talagang may bias talaga ang pakiramdam ko. Kaya't sabi ko kung ganoon na naman ang magiging usapan, wala nang silbi 'yon kasi maliwanag na hindi naman magbabago 'yong opinyon niya so hindi namin mapapag-usapan 'yong para sa aking importanteng pag-usapan," paliwanag niya.
"Lahat naman hinaharap ko eh basta't ang mahalaga sa akin, pag-usapan natin kung ano ang iniisip, ano ang inaalala, kung ano ang importante sa taong bayan, hindi sa mga pulitiko, hindi sa partido, hindi sa kalaban, hindi sa kakampi. 'Wag na politika ang pinag-uusapan dahil may eleksyon naman tayo," patuloy niya.
Sinabi rin ni Marcos na hindi niya gustong pag-usapan pa ang mga usaping nangyari 35 taon na ang nakalilipas.
"What questions are going to be asked that have not been asked and how many answers do you have to give that have not been given before? Nothing's going to change," giit niya.
Sa isang pahayag, nanindigan ang GMA Network sa kredibilidad ni Soho bilang isa sa mga pinagkakatiwalaang media personality sa bansa.
Ayon sa GMA, mahalaga at mabibigat ang mga itatanong ni Soho sa mga presidential candidates para makilala ng publiko ang mga kandidato at malaman kung ano ang kanilang mga plano para sa bansa.
"The questions are tough because the job of the presidency is tough," giit ng GMA.
Humarap naman sa naturang panayam ni Soho sina Vice President Leni Robredo, Senador Panfilo Lacson, Senador Manny Pacquiao at Manila Mayor Isko Moreno.— FRJ, GMA News