Binaril ang isang BPO employee ng holdaper sa isang kalye sa Tondo, Maynila noong Sabado ng umaga.
Ayon sa ulat ni Mai Bermudes sa 24 Oras nitong Linggo, pauwi na sana ang empleyadong naglalakad sa Juan Luna Street nang salubungin ng isang lalaki at tinutukan ng baril.
Kita sa CCTV na nagpambuno pa ang biktima at suspek hanggang sa pinaputukan ang biktima at tinangay ng suspek ang bag nito.
"Noong nakikipagbuno siya, binaril niya kaagad 'yong biktima at tsaka tumakbo gamit ang kaniyang motorsiklo," ani Manila Police District Station 2 commander Police Lieutenant Colonel Harry Lorenzo III.
Nagsagawa ng follow-up operation ang mga pulis at natunton sa Maypajo, Caloocan ang suspek.
Ayon sa pulisya, isang notorious na holdaper ang suspek at may nabiktima na rin sa Valenzuela.
May standing warrant of arrest sa kasong robbery at holdup ang suspek at miyembro rin ng sputnik gang.
Na-recover sa suspek ang kalibre .38 na baril, mga bala, pati ang cellphone ng biktima.
Hindi na nagbigay ng pahayag ang suspek pero umamin na siya ang nakuhanan ng CCTV sa krimen.
Samantala, kasalukuyang nagpapagaling ang biktima sa ospital at nasa stable condition na. — Ma. Angelica Garcia/BM, GMA News