Itinuturing na ng mga awtoridad na "person of interest" ang financier ng grupo ng anim na lalaking nawawala matapos magpunta sa sabungan sa Maynila. May nakikita rin ang pulisya na posibleng may kaugnayan ito sa iba pang sabungero na nawawala rin sa Laguna at Quezon.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ng mga awtoridad na nagawa ng isa sa mga nawawala na si John Claude Inonog, na makatawag sa kaniyang ama bago ito naglaho.

Si Inonog umano ang driver ng Tamaraw FX na inupahan ng mga nawawala rin na sina Marlon Baccay, James Baccay, Mark Joseph Velasco, Rondel Cristorum, at Rowel Gomez, para sakyan papunta sa Manila Arena sa Sta. Ana sa Maynila dakong 1:00 am noong Enero 14.

Nagtungo ang investigating team ng Criminal Investigation and Detection Group-NCR ng Philippine National Police sa sabungan para kumuha ng salaysay ng mga guwardiya at kopya ng CCTV camera.

Ayon kay Police Colonel Randy Glen Silvio, Regional Chief CIDG-NCR, tumawag umano si Inonog sa ama at sinabing isinasakay sa van ang kaniyang mga susunduin.

Pero pagkalipas nito ay hindi na rin makontak si Inonog.

Kinaumagahan, nakita sa CCTV na umalis ng sabungan ang Tamaraw FX na may kasunod na dalawang van, na inaalam na ngayon kung sino ang mga may-ari.

Kinabukasan ay nakita ang inabandonang Tamaraw FX sa Sampaloc highway sa Tanay, Rizal.

Itinuturing person of interest na sa kaso ang financier umano ng grupo na si Julius Jovillo, na hindi rin makontak.

Mayroon umanong farm si Jovillo sa Tanay, Rizal, at sinasabing nag-recruit sa magkapatid na Baccay na kasama sa mga nawawala.

Hinihinala ng mga awtoridad na baka ang laglagan sa laban o game fixing ang ugat ng pagkawala ng grupo.

"Nagbibitaw yata sila ng manok na hindi maayos," ayon kay Silvio.

May nakikita rin ang mga awtoridad ng posibleng ugnayan ng kaso sa ibang sabungero na nawawala matapos magpunta sa sabungan sa Laguna at Quezon.

"Parang magkakakila raw yung apat. Tinitingnan natin in coordination with Laguna PNP, Laguna PPO and Manila Police District. Kailangan magtulong-tulong kami. I think five hours ang pagitan nung mangyari yon," sabi ni Salvio.

Sa ulat ni Sumangil nitong Huwebes, tinukoy niya ang isa pang grupo ng mga nawawala na nagpunta sa sabungan sa Sta. Cruz, Laguna noong Enero 13 na sina Manny Magbanua, Mark Paul Fernandine, Melbert John Santos at Ferdinand Dizon.

Nabanggit din sa ulat ang pangalan ni Jovillo bilang financier. --FRJ, GMA News