Patuloy na nababawasan ang pagdududa ng mga Pinoy sa COVID-19 vaccines, batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS).
Sa survey isinagawa noong December 12-16, 2021, lumitaw na 8% ng adult Filipinos ang ayaw magpaturok ng COVID-19 vaccines.
Ang naturang bilang ay mas mababa mula sa 18% noong nakaraang September, 21% noong June 2021, at 33% noong May 2021.
Sa 8% na ayaw magpabakuna, 1% ang nagpahayag na posibleng hind sila magpabakuna, at 7% ang "tiyak" na hindi magpapabakuna.
Sa mga lugar sa bansa, pinakabumaba ang vaccine hesitancy sa Metro Manila, na mula sa 7% noong September 2021 ay dumausdos sa 4% noong December 2021.
Sa Visayas, bumaba ito sa 15% noong December 2021, mula sa 24% noong September 2021. Sa Balance Luzon, mula sa 15% ay naging 8%, at sa Mindanao, naging 8% mula sa 25%.
Lumitaw din sa survey na 50% ng mga adult Pinoy ang nakakuha na ng "least one dose" ng COVID-19 vaccine.
"This total consists of 38% reporting they received two doses of the vaccine and 13% reporting they received one dose, correctly rounded," SWS said.
Isinagawa ang SWS survey nang face-to-face sa 1,440 adults, na hinati sa tig-360 sa Balance Luzon, Metro Manila, Visayas, at Mindanao.
Mayroon itong sampling error margins ng ±2.6% sa national percentages, at ±5.2% sa Balance Luzon, Metro Manila, the Visayas, at Mindanao. —FRJ, GMA News