Dalawang grupo ng kalalakihan na nagpunta sa magkahiwalay na sabungan sa Laguna at Maynila ang isang linggo nang nawawala. Ang mga awtoridad, hindi pa tiyak kung magkaugnay ang dalawang insidente.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing nagpunta ang magkakaibigan na sina Manny Magbanua, Mark Paul Fernandine, Melbert John Santos at Ferdinand Dizon, sa isang sabungan sa Sta. Cruz, Laguna noong Enero 13.
Parang residente ng Tanay, Rizal ang magkakaibigang nawawala.
Ayon kay Dianne na kinakasama ni Dizon, nagpaalam daw ang huli na pupunta sa sabungan kasama ang financier na nagngangalang Julius Jovillo, na hindi na rin daw makontak.
Nakausap pa raw ni Dianne noong hapon na iyon si Dizon, at nakita ring nagbitaw ng manok sa live feed ng sabungan.
Sa kuha ng CCTV footage sa sabungan, nakitang umalis ng lugar ang kaniyang sasakyan pero hindi malinaw kung sila ba ang sakay o sino ang nagpapatakbo.
Sa isang kuha rin ng CCTV sa isang barangay, nakitang patungo sa Maynila ang sasakyan.
Samantala, Enero 14 naman nang magsabong at mawala rin ang anim katao matapos magpunta sa Manila arena sa Sta. Ana, Manila.
Magkakasama umano sa isang Tamaraw FX ang mga nawawalang sina John Claude Inonog, Marlon Baccay, James Baccay, Mark Joseph Velasco, Rondel Cristorum, at Rowel Gomez.
Ayon kay Police Lieutenant Wilfredo Fabros Jr., hepe ng CIDG-Manila, nakatanggap ng impormasyon ang kaanak ng isang nawawala na kinuha ang kanilang kaanak at isinakay sa puting van.
Hindi pa tukoy ng mga awtoridad ang posibleng dahilan ng pagkawala ng mga biktima.
Sinabi ni Fabros na nakita ang Tamaraw FX ng mga biktima na inabandona sa Tanay, Rizal.
--FRJ, GMA News