Nasawi ang isang lalaki at isang babae na sakay ng motorsiklo nang mabangga sila ng bus sa EDSA Busway sa bahagi ng Quezon City.
Sa Twitter post ni Luisito Santos ng Super Radyo dzBB nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente kaninang hapon bago sumapit ng North Avenue sa Quezon City.
Kaagad na nasawi ang lalaking rider, at kinalaunan ay binawian na rin ng buhay ang angkas niyang babae.
Ayon sa post, nagkamali ng direksyon ang mga biktima dahil sa mobile navigation app.
FLASH REPORT: Motor rider, patay habang sugatan ang kanyang angkas matapos mahagip ng bus ang kanilang motorsiklo sa EDSA Busway bago sumapit ng North Avenue sa Quezon City. | via @luisitosantos03 pic.twitter.com/7i0XjvoPTq
— DZBB Super Radyo (@dzbb) January 20, 2022
Sa Facebook post ni MMDA Traffic Operations chief Bong Nebrija, sinabi niya na dapat i-update ng mobile navigation app ang itinuturo nitong direksiyon dahil matagal na umanong sarado ang North Avenue U-turn slot.
"The North Ave U Turn has been closed for a long time now and yet it keeps on directing riders towards it. Anyway may barriers naman diyan," ayon sa opisyal.
Dahil sa insidente, sinabi ni Nebrija na dapat maunawaan ng mga rider kung bakit sila sinisita kapag pumapasok sa busway para na rin maiwasan ang aksidente.
"Sana makita niyo nakikita naming aksidente para magpasalamat kayo sa panghuhuli namin sa loob ng busway," sabi ni Nebrija.
--FRJ, GMA News