Nilinaw ng mga opisyal na hindi kasama sa "no vaccination, no ride" policy sa mga pampublikong sasakyan ang mga manggagawang papasok sa trabaho, kahit hindi sila bakunado o isang dose pa lang ang bakuna.
Ginawa ni Cabinet Secretary Karlo Nograles at Labor Secretary Silvestre Bello III, ang paglilinaw matapos maibalita ang isang babaeng manggagawa na naiyak sa pagkadismaya matapos siyang hindi pasakayin nang malaman ng mga awtoridad na isang dose pa lang ang bakuna niya.
“They are exempted from the 'no vax, no ride' policy. Very clear 'yan, so there should be no reason to doubt or to question the policy… Exempted po ang mga workers natin,” ayon kay Bello sa virtual briefing kasama si Nograles nitong Martes.
“They are rendering essential services. Pag hininto mo mga ‘yan, paano gagalaw ang ating mga negosyo? 'Pag walang negosyo, walang ekonomiya, so luckily, exempted ang ating mga workers,” dagdag niya.
Una rito, nagpatupad ng "no vax, no ride" policy ang Department of Transportation (DOTr) para limitahan ang galaw ng mga taong hindi bakunado sa harap ng pagtaas ng COVID-19 sa Mertro Manila.
Exempted sa naturang patakaran ang mga may medical conditions na hindi puwedeng magpaturok ng COVID-19 vaccination basta makapagpapakita ng medical certificate. Hindi kasama ang mga bibili at kailangan ng essential goods and services.
Nitong Lunes, iniulat na isang babaeng papunta sa medical exam sa trabaho ang hindi pinayagang makasakay dahil isang dose pa lang ng bakuna ang nasa vaccine card niya.
Sa Pebrero pa nakatakdang iturok ang kaniyang ikalawang dose.
“Kailangan lang siguro ng mass information drive to inform not only the public, but especially the enforcing agencies — mga pulis, taga-DOTr. Alam nila dapat [na]workers are exempted from this 'no vax, no ride policy',” ayon kay Bello.
Kailangan lamang umanong magpakita ng company identification cards ang manggagawa para payagan silang makasakay sa public transportation.
Sinabi naman ni DOTr Assistant Secretary Goddes Libiran, na kailangan patunayan ng manggagawa na sa trabaho ang kaniyang punta.
“[Y]ou need to present proof na ikaw eh talagang doon papunta, gaya ng ID na magpapatunay na ikaw ay empleyado doon, o kaya naman medical appointment, certificate/appointment from the company na may interview or exam ka, or health pass from the barangay that you will obtain essential goods, among others,” anang opisyal sa isang pahayag.
“We apologize for any inconvenience this may bring to some of our fellow kababayans, but let us be very clear - we in government have a mandate to faithfully execute and deliver, and that is to duly uphold PUBLIC SAFETY,” dagdag niya.—FRJ, GMA News