Dead on the spot ang driver ng isang tricycle nitong Martes ng madaling araw matapos masalpok ng sasakyan nito ang likuran ng isang dump truck sa kahabaan ng Quezon Avenue sa Quezon City.

Nakilala ang biktima na si Miko Ronquillo, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita ng GMA News.

Ang pasahero naman ng tricycle na si Ronnie Laurente ay sugatan at dinala na sa ospital. Ayon sa isang rescuer, mukhang may fracture ito.

 

Dahan-dahang sinagip ng mga rescuer ang pasahero ng tricycle na si Ronnie Laurente matapos sumalpok ang sinasakyan nito sa isang dump truck sa Quezon Avenue, Quezon City nitong Martes, Enero 18, 2022. Patay ang driver ng tricycle na nakilalang si Miko Ronquillo. James Agustin

 

Hindi naman nasugatan ang truck driver na si Ronald Santiago.

Pasado ala-una ng madaling araw nangyari ang aksidente.

Ayon kay Santiago, naka-stop ang truck sa stoplight nang bigla na lang itong mabangga ng tricycle.

Kuwento naman ng isang saksi, nakahinto ang dump truck sa may panulukan ng Quezon Avenue at D. Tuazon Street nang makarinig sila ng malakas na putok. Akala nila ay may pumutok na gulong, pero napag-alaman nilang sumalpok pala ang nasabing tricycle sa dump truck.

Ayon sa kapatid ng biktima na si Michael Ronquillo, bumiyahe pa buong araw nitong Lunes si Miko. Matapos nito ay nagkaroon sila ng munting salu-salo at inuman dahil birthday ng kanilang hipag.

Baka raw may nagpahatid kaya dumaan si Miko sa Quezon Avenue, dagdag niya.

Nasa kustodiya ng Quezon City Police District Sector 1 ang driver ng truck habang patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad. —KG, GMA News