Hindi inakala at naiyak na lang sa pagkadismaya ng isang babae na isang dose pa lang ang bakuna, na pati pala siya ay saklaw ng "no vaccine, no ride" policy sa mga pampublikong sasakyan.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabi Diane na maaga pa naman siyang umalis sa kanila dahil mayroon siyang medical exam sa trabaho.
Pero nang sasakay na siya, sinita siya at hindi pinayagang bumiyahe dahil isang dose pa lang ang bakuna niya, o hindi pa siya fully vaccinated laban sa COVID-19.
Paliwanag ni Dianne, sa Pebrero pa ang second dose ng kaniyang AstraZeneca vaccine.
"Nakakapagod 'yung ginagawa nila. Partially vaccinated naman kami. Bakit 'di kami pinayagan?" hinanakit niya.
Mayroon ding mga unvaccinated construction workers ang hindi pinayagang makasakay at pinauwi na lang.
Binalaanan din ng mga awtoridad ang mga PUV driver na hindi rin kompleto ang bakuna. Sa susunod, irereport na sila sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Joel Mendoza, officer-in-charge ng Regional Highway Patrol Group sa Metro Manila, ang LTFRB ang magpapataw ng parusa sa mga PUV driver na lalabag sa patakaran.
Nagsimula ngayong Lunes ang naturang "no vaccine, no ride" para limitahan ang galaw ng mga hindi fully vaccinated sa harap ng tumataas na kaso ng COVID-19 sa Metro Manila na nasa Alert Level 3 ngayon.— FRJ, GMA News