Sa ikalawang sunod na araw, nakapagtala ng mahigit 4,000 ang mga bagong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, base sa inilabas na datos ng Department of Health (DOH) nitong Lunes.
Ayon sa DOH, 4,084 ang naitalang mga bagong kaso ng COVID-19 ngayong Lunes, mas mababa sa 4,600 na naitala nitong Linggo.
Nangyari umano ang 4,057 na mga bagong kaso sa loob ng nakalipas na 14 araw mula December 21, 2021 hanggang January 3, 2022.
Pinakamarami sa nahawahan ay mula sa Metro Manila na 2,831 kaso o 70%. Sumunod ang Calabarzon na 571 o 14% at ang Central Luzon na 273 o 7%.
Umaabot na ngayon ang mga aktibong kaso sa 24,992. Sa naturang bilang, 795 ang asymptomatic, 19,252 ang mild, 3,051 ang moderate, 1,563 ang severe at 331 ang kritikal ang kalagayan.
Tumaas ang positivity rate ng Pilipinas sa 20.7% sa 18,587 na isinagawang COVID-19 tests.
Ang bilang ng mga bagong kaso ay mas mataas sa inaasahan ng OCTA Research Group na 3,000 hanggang 3,500 new infections.
Naniniwala si Dr. Guido David, OCTA Research Fellow, na babagal sa 28.7 percent ang positivity rate sa Metro Manila.
Samantala, nakapatala naman ang DOH ng dagdag na 16 na nasawi pang pasyente. Habang 497 naman ang mga bagong gumaling.
Nakasaad din sa ulat ng DOH na dalawang laboratoryo ang hindi operational noong January 1, 2022, habang mayroong 21 laboratoryo na hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS). --FRJ, GMA News