May isa pang Filipina na galing sa United States na dumating sa Pilipinas ang lumusot umano sa mandatory quarantine ng pamahalaan, ayon kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat.
Sa panayam sa telebisyon, sinabi ni Puyat na ilan pang insidente ng quarantine breach ang nakarating sa Department of Tourism (DOT). Kasunod ito nang nangyaring paglusot ng isang Pinay na galing din sa US, na hindi sumunod sa quarantine protocol at dumalo sa isang party sa Makati City, at kinalaunan ay nagpositibo sa COVID-19.
“After this incident, somebody gave the name and even gave pictures na the day she arrived, nagpamasahe pa as in she was even posting it on Instagram stories. Very proud ha na (that) she was skipping quarantine and her name was given and the person who knows her even gave a sworn affidavit. Nahuli na rin ‘yung tao na ‘yon,” anang kalihim sa panayam ng CNN nitong Lunes.
“I’ve given it already to the [Bureau of Quarantine] and the [Department of the Interior and Local Government] and I will leave it up to them,” sabi pa ng kalihim.
Ayon kay Puyat, dumiretso umano ang babae sa kaniyang condominium nang dumating sa bansa sa halip na magtungo sa hotel quarantine facility.
“She didn’t even check in a hotel. She just said that she checked in this hotel but it showed that she didn’t even check in a hotel. Dumeretso sa condo niya,” sabi ni Puyat.
Nauna nang sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III, na papapanagutin nila ang mga lumalabag sa quarantine protocols.
Ayon naman kay Interior Secretary Eduardo Año, may mga taong nagbabayad umano sa mga hotel para makalusot sa quarantine.
Sa panayam sa Dobol B TV, sinabi ni Año na kung minsan ay ang miyembro ng pamilya ang naghihikayat sa dumating na kaanak na lumusot sa quarantine para makasama nila.
Nanawagan si Puyat sa publiko na isumbong sa kanila ang mga tao at ang hotel na lumalabag sa quarantine protocols.—FRJ, GMA News