Umabot sa sampung persons deprived of liberty (PDL) ang napaulat na sugatan matapos ang nangyaring riot sa loob ng New Bilibid Prison ngayong araw.

Sa ekslusibong panayam ni Jhomer Apresto ng Super Radyo dzBB, sinabi ni Bureau of Corrections spokesperson Gabriel Chaclag na naganap ang insidente sa loob ng maximum security compound dakong 6 p.m.

Agad nagsagawa ng operasyon ang BuCor para maitigil ang nangyayaring kaguluhan. Pero bilang pag-iingat ng mga personnel at para masunod ang tamang procedure, umabot ng halos isang oras ang riot bago tuluyang nakontrol.

Walong PDL ang natukoy na kabilang sa gulo. Narekober din sa pinangyarihan ng riot ang iba't ibang klase ng improvised na sumpak at patalim.

Sinabi ni Chaclag na nagsasagawa na sila ng malalimang imbestigasyon sa krimen katuwang ang National Capital Region Police Office (NCRPO). — BM, GMA News