Kalunos-lunos ang sinapit ng isang mag-live in partner at kanilang limang buwang gulang na sanggol matapos silang masawi nang masunog ang kanilang bahay ngayong Bagong Taon sa Caloocan City.
Sa ulat ni Jamie Santos sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing nangyari ang insidente 4 a.m. nitong unang araw ng 2022.
Sinabing nakulong sa banyo ang pamilya kaya hindi sila nakaligtas.
Patuloy na inaalam ng mga awtoridad kung paano nagliyab ang kariton sa gilid ng bahay ng mga biktima.
Nadamay din ang 11 pamilya dahil sa sunog.
Sa Parañaque naman, sugatan ang tatlong residente matapos sumiklab ang sunog na umabot sa ikalawang alarma sa Barangay Moonwalk gabi ng Disyembre 31.
Kabilang sa mga sugatan ang may-ari ng barung-barong na pinagmulan ng apoy.
Patuloy na inaalam ang pinanggalingan ng apoy.
Nagliyab din ang ikalawang palapag ng isang bahay sa Calamba, Laguna 8 p.m. nitong Biyernes.
Sinabi ng mga awtoridad na walang tao sa loob ng bahay nang mangyari ang insidente.
Posibleng dahilan ng sunog ang faulty electrical wiring.
Sunog naman ang isang kubo sa Laoag, Ilocos Norte matapos tumama ang kuwitis sa bubong nito.
Mabilis natupok ang sunog, na gawa sa light materials. Walang nasaktan sa pangyayari. — Jamil Santos/DVM, GMA News
Live-in partner at kanilang sanggol, nasawi sa Bagong Taon dahil sa sunog
Enero 1, 2022 8:10pm GMT+08:00