Kahit maraming nakakakitang motorista, sinampahan at ninakawan ng mga gamit ng ilang kalalakihan ang isang truck na naipit sa trapiko sa Imelda Avenue sa Cainta, Rizal.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, ipinakita ang nag-viral na video sa social media na tila walang takot ang mga kawatan sa kanilang ginagawa kahit tirik ang araw.

Ayon kay Shirley Millar na nakakita sa insidente, nangyari ang nakawan noong lang Linggo.

Hindi nakita sa video pero mayroon umanong kasama sa nakawan ang may dalang patalim, at pinagbantaan pa raw ang driver ng truck.

Mga lalaking may edad na at maging menor de edad ang nagsama-sama para kumuha ng gamit sa truck tulad ng maliit na LPG.

"Ang liwanag ang daming tao, go lang sila. Talagang nagnakaw sila nang walang pakialam, parang walang kinatatakutan," puna ni Millar.

Ayon sa Cainta Police, may isinasagawa na silang follow-up operation para maaresto ang mga sangkot sa insidente.

Sa labas ng himpilan ng pulisya, isang ina ang nakitang umiiyak dahil inaresto raw ang kaniyang anak. Napagkamalan daw ito na sangkot sa naturang nakawan.

Sa report ng Cainta police, lumilitaw na hindi iyon ang unang pagkakataon na may truck na ninakawan sa Imelda Avenue.

Mga truck na nagdadala ng scrap material ang madalas daw puntiryahin ng mga kawatan. Ang problema, wala raw nagrereklamong biktima.

Gayunpaman, mas dadalasan daw ng mga awtoridad ang pagroronda sa lugar.--FRJ, GMA News