Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na umabot na sa 208 katao ang nasawi sa pananalasa ng bagyong "Odette" sa bansa.

Sa ulat nitong Lunes, sinabi ng PNP na 129 ang nasawi sa Central Visayas, 41 sa Caraga Region, 24 sa Western Visayas, pito sa Northern Mindanao, anim sa Eastern Visayas at isa sa Zamboanga.

Umabot naman sa 239 ang nasugatan at mayroong 52 na nawawala.

Mayroon ding 98 na empraestruktura ang nawasak.

Inihayag naman ng Philippine Red Cross na "complete carnage" ang nangyari sa mga coastal area na hinagupit ng bagyo.

"Homes, hospitals, school and community buildings have been ripped to shreds," ayon kay Red Cross chairperson Richard Gordon.

Sa Facebook post ni Bohol Governor Arthur Yap, sinabi ng opisyal na 74 katao ang nasawi sa lalawigan.

Binisita nitong Linggo nina Pangulong Rodrigo Duterte at Senador Christopher "Bong" Go ang Bohol para personal na makita ang pinsalang idinulot ng bagyo.

Hiniling ni Yap sa pangulo ang 15hp generators na maaaring ipadala sa mga bayan na magagamit sa water pumping stations.

Ayon sa National Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), mahigit 1.8 milyon katao ang naapektuhan ng bagyo.

Pinaka-apektado ng bagyo ang northeastern Mindanao, Western Visayas, Central Visayas, at Palawan," ayon sa opisyal ng NDRRMC.

Sa Dinagat Islands, sinabi ni provincial information officer Jeffrey Crisostomo na 10 ang nasawi. — FRJ, GMA News