Natukoy na ng Department of Health (DOH) ang walong "close contact" ng dalawang unang kaso ng Omicron variant ng COVID-19 sa Pilipinas.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire nitong Huwebes, pito sa walo ang lumitaw na negatibo sa COVID-19.
Ang isa sa walo ay naging close contact ng 48-anyos na overseas Filipino na nanggaling sa Japan. Habang ang pito ay close contact naman ng 37-anyos na Nigerian na nangaling sa Nigeria.
Ayon kay Vergeire, nagnegatibo sa COVID-19 ang close contact ng Pinoy noong December 4.
Ipinaliwanag niya na isa lang ang close contact ng Pinoy dahil nakapuwesto ito sa business class ng eroplano at isa lang ang kaniyang katabi.
“So you might be wondering why there is only one close contact for our 48-year-old male from Japan. It’s because he was seated in a business class and it was just one passenger with him in this business class section,” paliwanag ni Vergeire sa media briefing.
Samantala, anim sa pitong close contact ng Nigerian ang nagnegatibo sa COVID-19 at nakompleto na ang mandatory quarantine period.
Samantalang bineberipika pa ang resulta ng isinagawang test sa isa pa nitong close contact.
“So again, the reason why there are just seven close contacts because the foreign national sat at the very end of the place. So we only counted those in front of him and on his side,” ayon kay Vergeire.
Sinabi rin ng opisyal na tinukoy ang mga close contact sa pamamagitan ng pagbiling sa tig-apat na upuan sa lahat ng direksiyon mula sa taong nagpositibo sa virus.
“Ngayon para naman sa close contact, ang ating epidemiologic identification of close contacts when you are in a plane is to count four seats in front of you, four seats on your left, four seats on your right, and four seats sa likod mo,” anang opisyal.
Kukuhanan muli ngayon ng sample specimen ang dalawang nagpositibo sa Omicron para sa kanilang panibagong RT-PCR test. --FRJ, GMA News