Sinabi ng Union Bank of the Philippines na natukoy na nila ang pagkakakilanlan ng anim na person of interest sa nangyaring hacking incident kung saan nakapaglipat ng pera ang mga salarin mula sa mga account ng ilang kliyente ng BDO Unibank Inc. patungo sa fictitious bank accounts sa UnionBank.
“We’ve already identified persons of interest and we’ve already filed the necessary information with the PNP (Philippine National Police) and the NBI (National Bureau of Investigation). We will be providing the necessary information to them as well as to the BSP (Bangko Sentral ng Pilipinas),” ayon kay UnionBank chief technology and operations officer Henry Aguda sa virtual press briefing nitong Miyerkules.
“It’s just a handful… there’s about six individuals, right now,” dagdag niya.
Una rito, sinabi ng BSP na dalawa hanggang apat na tao ang nasa likod ng “Mark Nagoyo” account sa Union Bank na pinaglipatan ng nakuhang pera sa mga BDO account holder.
Sinasabing ipinambili umano ng cryptocurrencies ng mga salarin ang nakulimbat na pera.
“We are collaborating closely with BDO. In fact, we’ve started collaborating even over the weekend and we are pursuing the investigation of the fraudulent activities. We have already frozen the money in the identified accounts in Union Bank,” sabi ni Aguda.
“We are coordinating with our counterparts, with BDO on how to proceed with the frozen accounts,” patuloy niya.
Bumuo ng task force ang BSP para imbestigahan din ang insidente at makapagbigay sa kanilang ng rekomendasyon.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabi lumilitaw sa imbestigasyon ng NBI-Cybercrime Division at mga eksperto ng BDO at Union Bank, na aabot sa mahigit P50 milyon ang nailipat na pera ng mga hacker mula sa mahigit 700 accounts sa BDO.
Inilipat umano ang pera sa 25 account sa Union Bank.
Gayunman, naharang umano ang malaking porsiyento ng pera bago pa mailabas ng mga hacker. --FRJ, GMA News